Singapore, nagpanukala ng bagong batas para tugunan ang mapaminsalang online content
Maaaring i-block o pagmultahin ang mga social media site sa Singapore kung mabibigo ang mga ito na pigilan ang mga user, sa pag-access ng “nakapipinsalang” content sa ilalim ng iminungkahing batas na ipinakilala sa parliyamento nitong Lunes.
Sa ilalim ng panukalang batas, maaaring mag-utos ang mga regulator sa mga platform ng social media, na harangin ang “nakapanghihilakbot na nilalaman” kabilang ang mga post na nagsusulong ng karahasan at terorismo o mga paglalarawan ng sekswal na pagsasamantala sa mga bata.
Sa isang pahayag, ay sinabi ng Ministry of Communications and Information na kasama rin ang content na nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng publiko o malamang na magdulot ng hindi pagkakasundo ng lahi at relihiyon sa Singapore.
Ayon sa ministry, “While some online services have made efforts to address harmful content, the prevalence of harmful online content remains a concern, given the high level of digital penetration and pervasive usage of online services among Singapore users, including children.”
Maaari ring atasan ng mga regulator ang mga platform upang harangin ang isang partikular na account na ma-access ng user sa Singapore, ngunit ang kautusang ito ay hindi aplikable sa private communications.
Sinabi pa ng ministry, na ang online communication services na may “significant reach o impact sa Singapore” ay posibleng atasan din na mag-introduce ng mga hakbang upang pigilan ang mga user sa Singapore, partikular ang mga bata, na ma-access ang “harmful content.” ngunit hindi nito pinangalanan ang mga platform.
Ang panukalang batas ay pagdedebatehan ng parliyamento sa Nobyembre. Sakaling maipasa, magbibigay ito sa mga awtoridad ng dagdag na kasangkapan para makontrol ang online content.
Noong isang taon, ang Singapore ay nagpasa ng isang pinagtalunang batas na naglalayong pigilan ang panghihimasok ng mga dayuhan sa lokal na pulitika.
Ang batas ay nagpapahintulot sa mga awtoridad na pilitin ang mga tagapagbigay ng serbisyo sa internet at mga platform ng social media na magbigay ng user information, i-block ang content at alisin ang mga application na ginagamit upang ipakalat ang content na itinuturing nilang masama.
Tatlong taon na ang nakararaan, nagpasa ang city-state ng batas na lumalaban sa “fake news,” na nagbigay ng kapangyarihan sa government ministers na mag-utos sa mga social media site na maglagay ng mga babala sa tabi ng mga post na itinuturing ng mga awtoridad na hindi totoo, at sa matinding mga kaso, ay ang tuluyang pag-aalis sa mga ito.
© Agence France-Presse