Singaw sa Labi (Aphthous Stomatitis)
Nakakairita, mahapdi, hirap magsalita, at kumain. Ito ang dinaranas ng mga nagkakasingaw sa loob ng bibig o sa labi o kahit sa dila.
Aphthous Stomatitis o singaw sa labi tinatawag din na “canker sores”. Nagkakasingaw dahil sa stress, o humina ang resistensya o immune system, maaari din na nagkaron ng pagbabago sa hormones. Pwede din dahil sa extreme temperature, o simpleng habang nagsesepilyo ng ngipin.
At para maunawaan nating mabuti ang singaw sa labi o sa bibig, kumuha tayo ng impormasyon mula sa isang Dermatologist, si Dr. Ellaine Eusebio-Galvez.
Sabi ni Doc Ellaine, lahat ay pwedeng magkaproblema sa singaw sa bibig lalo na ang mga may systemic disease o systemic disorders, at inflammatory bowel disease.
Binigyang-diin ni Doc Ellaine na kapag ang immune system ng isang tao ay mahina, pwedeng magpabalik-balik ang singaw sa labi o sa loob ng bibig, ang kagandahan umano nito, kapag bumuti naman na sistema ay gagaling din.
Para maiwasan, ang tips ni Doc ay magkaron ng sapat na tulog, kumain ng tama, at malakas na immune system. Samantala, nakaka-aggravate o nakapagpalala sa singaw ang pagkain ng maaasim, maaalat, lalo na ang mga sawsawang tulad ng patis, toyo o bagoong.
Sabi ni Doc kapag nagpakonsulta sa duktor karaniwan na ibinibigay ay topical o pamahid na pampamanhid para makatulong na mabawasan ang hapdi, steroids na pampaampat ng pamamaga. Subalit, meron naman anyang mas mura at walang gastos, tubig na may asin, isang natural antiseptic. Makatutulong ito para sa mas mabilis na healing o paggaling kasabay ng oral hygiene, maayos na pagtulog at pagkain, mas mabilis ang paggaling.
Mas mabuti pa rin anyang komunsulta sa duktor lalo pa nga’t pababalik-balik ang singaw.
Sana ay nakatulong kaming muli sa inyo.