Singer na si Chris Brown, kinasuhan ng rape sa US
Kinasuhan ng rape sa California ang singer na si Chris Brown, kung saan ayon sa kaniya umanong biktima ay pinagamit nya ito ng droga at inatake siya sa isang yate sa lugar kung saan nakatira ang rap mogul na si Diddy.
Ang babae na binansagan lamang na Jane Doe, ay humihingi ng $20 million damage mula sa R&B star.
Ayon sa civil suit na inihain noong Huwebes, ang babae na sinasabing isang choreographer, dancer, model at musical artist, ay inimbitahan ni Brown sa yate ilang sandali makaraan itong dumating sa Miami, Florida noong December 20, 2020.
Sinabi ng babae, na ang inuming ibinigay sa kaniya ay naging sanhi para maramdaman niyang siya ay “disoriented at physically unstable.”
Pagkatapos ay dinala siya ni Brown sa isang silid sa yate at siya ay ni-rape sa kabila ng kaniyang pagtutol.
Nakasaad sa civil suit na inihain sa Los Angeles na . . . “The traumatic events that Plaintiff Jane Doe experienced shock the conscience and should horrify all of us. The time has come to send a message to Defendant Chris Brown that enough is enough. Accordingly, Plaintiff Jane Doe brings this complaint seeking justice for herself (and also with the hope it may serve as an example for others) who may now or have in the past found themselves in the mercy of Defendant Chris Brown.”
Sinabi ng mga abogadong sina Ariel Mitchell at George Vrabeck, na hindi nagsumbong sa pulis ang kanilang kliyente dahil nahihiya ito.
Nang lumabas ang mga balita tungkol sa demanda laban sa kaniya, ay nagpost si Brown ng mensahe sa kaniyang Instagram.
Ayon kay Brown . . . “I HOPE YALL SEE THIS PATTERN OF (blue cop emoji).” Ang blue cap emoji ay ginagamit para ilarawan ang isang kasinungalingan.
Dagdag pa nito . . . “Whenever im releasing music or projects ‘THEY’ try to pull some real lies.”
Hindi naman tinukoy ni Brown kung sino ang “they” na kaniyang binabanggit.
Noong 2009, si Brown ay nahatulan ng pambubugbog sa kapwa niya singer na si Rihanna, na kaniyang kasintahan ng mga panahong iyon, na hindi nakadalo sa Grammy Awards dahil sa tinamong injuries.
Una na rin siyang naakusahan ng pangri-rape sa isang babae sa isang mamahaling hotel sa Paris.
Itinanggi ni Brown ang paratang at hindi rin sya nakasuhan.