Singil ng Meralco sa kuryente bababa ngayong buwan
Inanunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco), na magbabawas sila ng singil sa kuryente ngayong Pebrero.
Ito na ang ikalawang sunod na buwan na nagbawas sila ng singil sa kuryente ngayong taon.
Batay sa abiso ng Meralco, bababa ng P0.1185 kada kilowatt hour (kWh) ang singil nila sa kanilang February bill, kaya ang magiging overall rate para sa buwan ng Pebrero ay aabot na lamang sa P9.5842/kWh mula sa dating P9.7027/kWh noong Enero.
Katumbas ito ng P24 na bawas sa bayarin ng mga tahanang kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan, halos P36 naman sa mga kumukonsumo ng 300 kWh, P46 sa mga kumukonsumo ng 400 kWh, at P59 sa kumukonsumo ng 500 kWh kada buwan.
Paliwanag ng Meralco, ang bawas-singil ay sanhi ng pagbaba ng generation charge na dulot naman ng pagmura ng kuryente sa spot market at mga power supplier.