Singil sa kuryente ng Meralco ngayong Hunyo, tataas
Tataas ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong buwan.
Sa abiso ng Meralco, 40 sentimos ang ipapataw sa kada kilowatt per hour na singil sa kuryente dahil sa pagtaas ng generation charge.
Dahil dito, ang mga customers na kumokonsumo ng 200 kwh kada buwan, magkakaroon ng dagdag singil na P80.00 habang P199.00 sa mga kumokonsumo ng 500 kwh.
Ayon kay Larry Fernandez, head ng Utility Economics ng Meralco, nagtaas kasi ng singil ang mga independent power producers at power supply agreement dahil sa pagtaas naman ng ginagamit na krudo.
Kabilang rito ang first gas power plant na nagtaas ng 8% dahil sa pagmahal naman ng ginagamit na liquid fuel.
Bukod rito, tumaas ang transmission cost, buwis at iba pang bayarin sa produksiyon ng kuryente.
Maliban sa dagdag singil na 40 centavos kada kwh, may ipinapataw pa ang Meralco na 20 centavos na generation charge na nauna nang ipinagpaliban noon dahil sa epekto ng Pandemya.
Asahan pa aniya ang dagdag singil habang tumataas rin ang presyo ng krudo.
Meanne Corvera