Singil sa pasahe at iba pang charges na ipapataw ng Grab sa mga pasahero, ipinarerebisa sa LTFRB
Ipinarerebisa ni Senador Sherwin Gatchalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang ipinataw na singil sa pasahe ng Grab Philippines sa kanilang mga consumers.
Sa harap ito ng pinangangambahang pag abuso ng kumpanya matapos tuluyang mawala ang operasyon ng Uber.
Ayon kay Gatchalian, kailangang magsagawa ng close monitoring ang LTFRB at Philippine Competition Commission para mabantayan ang mga posibleng pag abuso ng Grab.
Iginiit ni Gatchalian na hindi dapat payagan ng LTFRB na magpataw ang kumpanya ng mas mataas na singil kumpara sa ibang bansa.
Makabubuti rin aniya kung oobligahin ng LTFRB ang Grab na i-breakdown ang resibo at maging mas transparent pa sa mga singil sa commuters.
Nauna nang inatasan ng LTFRB ang Grab na ibaba ang surge charge o demand based pricing rate tuwing mataas ang kanilang demand o maraming booking lalo na kapag rush hour.
Ulat ni Meanne Corvera