Single-dose Sputnik Light vaccine ng Russia, binigyan na ng EUA ng FDA
Binigyan na ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) ng Emergency Use Aurhorizarion (EUA), ang single-dose COVID-19 vaccine ng Russia, ang Sputnik Light.
Sa pamamagitan ng naturang EUA, dalawa na ngayon ang single-dose Covid vaccines na pinapayagang gamitin sa Pilipinas, ang Sputnik Light at Janssen.
Ang Sputnik Light ang ika-9 na COVID-19 vaccine na binigyan ng EUA sa Pilipinas.
Bago ito, binigyan ng FDA ng EUA ang Sinopharm vaccine ng China noong June 7.
Ang iba pang mga bakuna na mayroon na ring EUA ay ang Moderna mula sa US, COVAXIN ng Bharat Biotech ng India, Janssen vaccine ng Johnson and Johnson, Sputnik-V, ang two-dose vaccine ng Gamaleya sa Russia, Coronavac ng Sinovac mula sa China, AstraZeneca vaccines mula sa UK, at ang Pfizer-BioNTech vaccine.
Ang EUA para sa Sputnik Light vaccine ay may petsang August 20. Inirerekomenda itong ibigay sa mga nasa edad 18 pataas. Ang shelf life nito ay 10 buwan, at dapat na ilagay sa lalagyang ang temperatura ay nasa negative 18 degrees Celcius hanggang negative 22 degrees Celcius.
Nakasaad sa EUA document ng FDA na . . . “Sputnik Light COVID-19 Vaccine may be effective to prevent, diagnose or treat COVID-19. The known and potential benefits of the Gamaleya Sputnik Light COVID-19 Vaccine, when used to diagnose, prevent or treat COVID-19, outweigh the known and potential risks of said Vaccine as of date.”
Target ng Pilipinas na magkaroon na ng herd immunity sa pagtatapos ng taon, sa pamamagitan ng pagbabakuna sa 70% ng populasyon nito.