Single ID para sa lahat ng abogado, idi-develop at ilalabas ng IBP
Magiging isa na lang ang identification card (ID) ng lahat ng mga abogado o miyembro ng Philippine Bar.
Ito ay makaraan na lagdaan ng Korte Suprema at ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang kasunduan para sa development at issuance ng single ID card.
Sina SC Clerk of Court En Banc Atty. Marife Lomibao-Cuevas at IBP National President Antonio Pido ang pumirma sa memorandum of agreement (MOA) na ginanap sa Session Hall ng Supreme Court.
Pangunahing sumaksi sa paglagda sa MOA ay si Chief Justice Alexander Gesmundo.
Sinabi ni Gesmundo na ang single ID system ay paalala sa lahat ng mga abogado ng kanilang katapatan sa pagsisilbi sa bayan at sa rule of law.
Ayon sa IBP, walang magiging expiration date ang ID at magkakaroon din ng logo ng Korte Suprema.
Umaasa ang pamunuan ng IBP na ang single ID ay magpaigting sa professional standing ng mga abogado sa komunidad at humimok sa mga ito na lumahok sa lahat ng IBP activities.
Moira Encina