Single-use plastics, ipinagbawal ng Sri Lanka upang maisalba ang mga elepante
Sinabi ng gobyerno na ipagbabawal na ng Sri Lanka ang single-use plastics, bilang hakbang kasunod ng mga serye ng pagkamatay ng mga wild elephant at mga usa dahil sa plastic poisoning.
Ayon kay Cabinet spokesman at media minister Bandula Gunawardana, simula sa Hunyo ay ipagbabawal na ang paggawa o pagbebenta ng mga plastic na kubyertos, cocktail shakers at artipisyal na mga bulaklak.
Ang hakbang ay rekomendado ng isang panel na itinalaga 18 buwan na ang nakalilipas, upang pag-aralan ang epekto ng mga basurang plastic sa kapaligiran at wildlife.
Ang non-biodegradable plastic bags ay ipinagbawal na noong 2017 dahil naman sa mga pangamba tungkol sa flash floods.
Ang pag-aangkat ng mga plastic na kubyertos, food wrappers at mga laruan ay ipinagbawal dalawang taon na ang nakararaan matapos ang serye ng pagkamatay ng mga elepante at mga usa, sa hilagang-silangan ng isla dahil kinakalkal ng mga ito ang basurahang walang takip o naka-angat ang takip.
Lumitaw sa mga isinagawang awtopsiya na ang mga naturang hayop ay namatay matapos makakain ng mga plastic na nakahalo sa mga basurang pagkain.
Subalit nagpatuloy pa rin ang paggawa at pagbebenta ng mga lokal na produktong plastic.
Ang hakbang ay malugod namang tinanggap ng pangunahing awtoridad sa Asian elephants ng Sri Lanka na si Jayantha Jayewardene, ngunit sinabing ang ban o pagbabawal ay dapat ding sumaklaw sa biodegradable plastic bags.
Aniya, “These bags are getting into the food chain of elephants and wildlife and that is not a good thing.”
Ang mga elepante ay ikinukonsiderang sagrado at pinoprotektahan ng batas sa Sri Lanka, ngunit nasa 400 ang namamatay sa isang taon bilang resulta ng “human-elephant conflict” malapit sa wildlife reserves, habang nasa humigit-kumulang 50 katao rin ang namamatay dahil sa conflict.
Ang lumiliit nilang “natural habitat” ay nagbunsod para salakayin ng mga elepante ang mga nayon sa paghahanap ng makakain, at marami ang nakararanas ng matinding hirap bago mamatay matapos maghalungkat para sa mga pagkain sa mga basurahang puno ng basurang plastic.
Dose-dosenang wild deer ang namamatay din dahil sa plastic poisoning sa northeastern district ng Trincomalee, halos limang taon na ang nakalilipas, na nag-udyok sa gobyerno upang ipagbawal ang pagtatapon ng mga basura malapit sa jungle reserves.
© Agence France-Presse