Sinibak na si Customs Comm. Nicanor Faeldon hinimok na maging state witness sa katiwalian sa BOC
Hinikayat ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na isiwalat na ang katotohanan at lahat ng kanyang nalalaman ukol sa talamak na katiwalian sa Bureau of Customs.
Ang pahayag ay ginawa ni Drilon, kasunod ng rebelasyon ni Senador Panfilo Ping Lacson ang mga opisyal at empleyado na tumatanggap ng tara o lagay sa Customs, pati ang kanilang mga bagmen.
Ayon kay Drilon, nararapat ang isang full-blown investigation sa mga ibinunyag ni Lacson at si Faeldon ang kwalipikado na maging pangunahing testigo dito.
Hiniling din ni Drilon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre na isailalim si Faeldon sa Witness Protection Program o WPP at pag-aralan ang mga impormasyong inilahad ni Lacson.
Dapat aniya ay kasamang pag aralan ng DOJ ang mga testimonyang nakuha ng Senate Blue Ribbon Committee sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa paglusot sa Customs ng 6.4 billion pesos na shabu galing sa China.
Ulat ni: Mean Corvera