Sinibak na RCBC Jupiter Branch Manager Maia Santos de Guito, pormal ng kinasuhan ng DOJ ng money laundering
Pormal nang kinasuhan ng DOJ ng money laundering sa Korte ang sinibak na RCBC Jupiter Branch Manager na si Maia Santos de Guito.
Walong bilang na kasong paglabag sa Anti Money Laundering Act ang inihain ng DOJ laban kay de Guito na nairaffle na sa apat na hukuman sa Makati City Regional Trial Court.
Kaugnay ito sa 81-million dollars na nakaw na salapi mula sa Bangladesh Bank na idinaan sa RCBC Jupiter Branch.
Ang kaso laban kay Deguito ay bunsod ng over the counter withdrawal ng 14.3 million US Dollars na bahagi ng 81-million dollars na laundered fund.
Kasama rin sa mga kinasuhan sa Korte ang mga pekeng account holders na sina Michael Francisco Cruz, Jessie Christopher Lagrosas, Alfred Santos Vergara at Enrico Teodoro Vazquez.
Ayon sa DOJ, itinuloy pa rin ng mga akusado ang transaksyon kahit alam nila na may paglabag ito sa batas partikular sa Electronic Commerce Act at sa Information and Communication Technology Act.
100 thousand pesos na piyansa ang itinakda ng Korte para sa pansamantalang paglaya ng bawat akusado at para sa bawat paglabag.
Ulat ni: Moira Encina