Sitwasyon ng OFW’s sa HK, pinatututukan ng mga mambabatas sa konsulado ng Pilipinas
Nanawagan si Act-cis partylist representative Rowena Niña Taduran sa konsulado ng Pilipinas sa Hong kong na alamin ang sitwasyon ng lahat ng overseas filipino workers sa special administrative region ng China.
Sa gitna ito ng mga lumabas na ulat hinggil sa mga illegal na tinanggal na mga domestic helper dahil sa sakit na COVID-19.
Nakipag-usap na ang kongresista kay POEA administrator Hans Cacdac na nagsabing nailigtas na nila ang ilang mga OFW’s sa kalsada at binigyan sila ng pagkain at pansamantalang matitirhan.
Sinabi rin ni Cacdac na nasa proseso na sila ng pagkumbinsi sa mga employer na pabalikin ang mga OFW’s sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID-19 omicron variant sa Hong kong.
Sa ilalim ng employment ordinance and standard employment contract sa Hong kong, hindi maaaring basta tapusin ng employer ang kontrata sa pagta-trabaho ng isang OFW o sinumang foreign domestic helper dahil lamang nagkaroon ito ng COVID-19.
Maaaring malitis ang employer at mapatawan ng pinakamataas na multang HK$100, 000.
Maaari ring makasuhan ang employer ng paglabag sa disability discrimination ordinance kung mali ang pagtrato sa domestic helper, halimbawa ay kung basta tatanggalin sa trabaho, kung may COVID o kung gumaling na rito.
Eden Santos