Siyam, arestado dahil sa illegal mining sa Ternate, Cavite
Arestado ng NBI-Environmental Crimes Division sa isang entrapment operation ang siyam na indibidwal dahil sa iligal na pagmimina sa Ternate, Cavite.
Kinilala ng NBI ang mga inaresto na sina Narciso Peji, Mary Jane Maala, Ryan Naparam, Alvin Aquino, Jose Remy Copones, Emmanuel Manao, Robert Delos Santos, Joebert Aguisanda, at Roger Betonio.
Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng kahilingan ang NBI mula sa DENR-MGB IV-A na isilbi ang Cease and Desist Order para sa illegal mining laban kay Peji.
Nakita ang siyam sa lugar na nangangasiwa, nagbubuhat at nagbibiyahe ng mga minerals nang walang kaukulang permits at dokumento mula sa DENR.
Nakumpiska rin ng NBI ang ilang mining equipment at minerals na tinatayang nagkakahalaga ng milyun-milyong piso
Isinalang sa online inquest proceedings ang mga suspek sa piskalya sa Imus, Cavite kung saan sinampahan sila ng reklamong paglabag sa Section 103 o Theft of Minerals sa ilalim ng Philippine Mining Act of 1995.
Ulat ni Moira Encina