Siyam na dayuhang illegal vendors na naaresto sa Pasay at Maynila, nakatakdang ipadeport ng Bureau of Immigration
Ipapadeport ng Bureau of Immigration (BI) ang siyam na dayuhang vendors na naaresto kamakailan sa mga lungsod ng Pasay at Maynila dahil sa pagtatrabaho sa bansa ng walang kaukulang working permits.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, isinasailalim na sa deportation proceedings ang mga banyaga matapos na sampahan ng reklamong paglabag sa Immigration laws ng bansa.
Apat sa mga dayuhan ay naaresto sa loob ng Manila City Plaza Mall sa Quiapo, Maynila habang ang lima ay sa dalawang shopping center sa Pasay.
Ang mga illegal aliens ay nahuli sa akto na nagtitinda ng retail goods ng mga tauhan ng BI.
Kinilala ang mga banyaga na sina Cai Shaoqiu, Cai Shengfeng, Tian Changsheng, She Lijuan, Lin Manyi, Zeng Xinfu, Xiao Jinxiang, Zhang Yang Sheng, at Chichi Zhuang.
Sinabi ni Morente na karamihan sa mga vendors ay undocumented at bigong makapagprisinta ng immigration documents.
Ang isa sa mga ito ay nagprisinta ng pekeng immigration document habang ang isa ay gumamit ng ibang pagkakakilanlan dahil walang record of arrival.
Ulat ni Moira Encina