Siyam na kaso ng “wrongful deaths” ng drug war suspects, iniimbestigahan ng NBI
Kinumpirma ni Justice Secretary Crispin Remulla na iniimbestigahan na ng NBI ang siyam na kaso ng “wrongful death” o maling impormasyon sa death certificates ng mga suspek na namatay sa giyera kontra iligal na droga.
Sinabi ni Remulla na nabatid na ang nakalagay sa death certificates ng siyam na biktima ay natural cause of death.
Pero nang muling hukayin aniya ang mga bangkay at isinailalim sa otopsiya ay may nakitang tama ng mga bala sa mga ito.
Ayon sa kalihim, maaari itong kaso ng falsification na pinag-aaralan ng NBI.
Aniya, patuloy ang follow-up at pag-aaral ng NBI sa mga nakalap nitong mga dokumento.
Tiniyak ni Remulla na papanagutin ang mga mapapatunayang lumabag sa batas at hindi ito pamamarisan ng pamahalaan.
Una rito ay ipinagutos ng Court of Appeals na itama ng Local Civil Registry ng Lungsod ng Caloocan ang sanhi ng pagkamatay sa death certificate ng siyam na taong gulang na lalaki na si Lenin Baylon.
Nasawi ang bata dahil sa ligaw na bala sa anti-drugs operations ng pulisya pero ang nakasaad sa death certificate nito ay “bronchopneumonia.”
Moira Encina