Siyam na pulis na akusado sa Jolo shooting case, pansamantalang pinalaya ng PNP sa kustodiya
Wala pa ring warrant of arrest ang hukuman laban sa siyam na pulis na akusado sa pagpatay at pamamaril sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, isinampa ng piskalya ang kasong murder at planting of evidence laban sa mga pulis noon pang Enero 4.
Pero bigo anyang makapagisyu ang korte ng arrest warrant laban sa mga akusado dahil sa lockdown sa Sulu.
Inihayag pa ng kalihim na pansamantalang pinalaya sa kustodiya ang siyam na pulis sa kabila ng mga kahilingan ng DOJ sa PNP na ipiit muna ang mga ito habang hinihintay ang arrest warrant ng hukuman.
Umaasa naman si Guevarra na sa oras na ilabas ng korte ang warrant of arrest ay boluntaryong susuko ang mga pulis.
Kaugnay nito, inatasan ni Guevarra ang piskalya na maghain ng urgent motion sa korte para maglabas ng hold departure order laban sa lahat ng mga akusado.
Moira Encina