Siyam na pulis pinakakasuhan ng DOJ ng mga kasong murder kaugnay sa pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino at tatlong iba pa
Inirekomenda ng DOJ panel of prosecutors na sampahan sa korte ng apat na counts ng murder ang siyam na pulis dahil sa pagpaslang kina Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino at tatlong iba pa noong Marso 8, 2021.
Kabilang sa mga pinakakasuhan ng murder sina PNP- Integrity Monitoring and Enforcement Group Team Leader PLTCOL. Harry Villar Sucayre, PMAJ. Shyrile Co Tan, PCAPT. Dino Laurente Goles, PLT. Julio Salcedo Armeza Jr., PSSG. Neil Matarum Cebu, PSSG. Edsel Tan Omega, PAT. Niño Cuadra Salem, PCPL. Julius Udtujan Garcia, at PSSG. Randy Caones Merelos at ilan pang John Does.
Ito ay dahil sa pagpatay sa alkalde, sa security escort nito na si PSSG. Rodeo Sario, driver na si Dennis Abayon, at sibilyan na si Clint John Paul Yauder na nadamay nang mapadaan sa pinangyarihan ng ambush.
Sasampahan din ng kasong frustrated murder ang mga nasabing pulis para sa frustrated murder ng personal aide ni Aquino na si Mansfield Labonite na survivor sa insidente.
Ayon sa DOJ, hindi binigyang bigat ng panel of prosecutors ang mga depensa ng pagtanggi, alibi, at self-defense ng mga respondents.
Sinabi ng DOJ na nakapagprisinta ang NBI ng mga ebidensya at mga testigo na magpapatunay sa ambush.
Ihahain ng DOJ ang mga kaso sa Calbayog City Regional Trial Court.
Moira Encina