Smooth transition ng Taguig-Makati City land dispute, ipinanawagan
Umapela si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado sa lokal na pamahalaan ng Taguig at Makati City na magtulungan para sa “smooth transition” kaugnay ng land dispute sa pagitan ng Makati City at Taguig.
Kasunod ito ng pinal na desisyon ng Korte Suprema na nagsabing Taguig ang nakakasakop sa kinukuwestiyong teritoryo base na rin sa historical, documentary at testimonial evidence.
Kabilang sa sakop ng 729 hectare na hurisdiksyon ng Taguig City ang Fort Bonifacio kasama na rito ang Barangay Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo at Pitogo.
Gayundin ang Philippine Army headquarters, Navy installation, Marines’ headquarters, Consular area, JUSMAG area, Heritage Park, Libingan ng mga Bayani, AFP Officers Village at anim pang villages sa tabi nito.
Matapos ang pinal na desisyon, sinabi ng Supreme Court (SC) na hindi na sila tatanggap ng anumang pleadings, motions, letters o anumang komunikasyon patungkol sa nasabing land dispute.
Sa isang pahayag, sinabi naman ng Taguig City LGU na ang pagtatapos ng legal battle ay simula na ng bagong kabanata para sa mga naapektuhan ng land dispute.
Umaasa ang Taguig City na makikipagtulungan ang Makati City para sa gagawing transisyon ng public service sa mga dating residente ng Makati na ngayon ay matatawag nang Taguigeño.
Madelyn Moratillo