Social distancing tatapusin na ng Netherlands, pero magpapatupad ng Covid pass
Inanunsiyo ng Netherlands na luluwagan pa nila ang Covid restrictions, kabilang na ang pag-aalis sa social distancing subalit magpapatupad naman ng Covid pass para sa mga bar, restaurants at festivals.
Sinabi ni Prime Minister Mark Rutte na kailangan ang pass na nagpapakita ng katibayan ng vaccination, recovery mula sa virus o isang negative test para sa mga nasa edad 13 pataas simula sa September 25.
Ayon kay Rutte . . . “I’m glad to announce today that from September 25 the compulsory 1.5 metre social distancing rule will be dropped. This means more people can visit a cafe or restaurant at the same time. It also means that festivals and sporting events outside can get back to full capacity.”
Aniya, ang coronavirus passes ay ginagamit na sa maraming bansa sa paligid ng Netherlands.
Sa France na isa sa unang mga bansa sa Europa na naglunsad nito, nakatulong ang pagpapatupad ng Covid pass para tumaas ang bilang ng mga nagpapabakuna.
Ayon naman kay health minister Hugo de Jonge . . . “Using the corona admission ticket is not forcing anybody to get vaccinated. You can also use testing to get in somewhere and that for now remains free of charge.”
Bagamat aalisin na ang social distancing, mananatili ang pagpapatupad sa pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong transportasyon at sa mga paliparan, ngunit hindi na sa tren o train platforms.