Social media babantayan na rin ng mga awtoridad ngayong holiday season para sa mga hindi susunod sa health protocols
Maging sa social media ay magbabantay na rin ang mga awtoridad ngayong holiday season.
Ito ang inihayag ni DILG Usec Epimaco Densing III sa isang virtual pressconference na pinangunahan ng DOH.
Ayon kay Densing, sa oras na makita sa social media na nagpost ng isinasagawang mass gathering gaya halimbawa ng reunion ay pupuntahan ito ng mga barangay tanod at pulis para sawayin.
Pero kung mayroon aniyang ordinansa sa kanilang lugar na nagbabawal sa mass gathering ay maaari pa silang mapatawan ng penalty.
Kaya paalala nito sa publiko, sumunod sa mga pinatutupad na pag iingat laban sa COVID-19 at iwasan ang mga pagtipon tipon.
Nagpaalala rin ito sa publiko na huwag ng magkaraoke o videoke na maaaring maging dahilan ng pagkalat ng virus.
Ayon sa opisyal batay sa mga pag aaral, ang hawahan sa mga tahanan ang isa sa nakikitang dahilan ngayon ng pagkalat ng COVID-19.
Madz Moratillo