Social Pension sa mga Indigent Senior Citizen, hiniling na doblehin
Isinusulong sa Senado na doblehin ang social pension na ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga Indigent o kapus-palad na Senior Citizens.
Sa Senate Bill No. 2243 na inihain ni Senate President Vicente Sotto III, ang 500 piso kada buwan na mandatory social pension ng mga Indigent Senior Citizen ay gagawing 1,000 piso.
Pandagdag ito sa pambili ng pagkain at gamot ng mga lolo at lola ngayong mas humirap ang kanilang kalagayan dahil sa Pandemya.
Sa kasalukuyan kasing sitwasyon, hindi napakikinabangan ng lahat ng mga matatanda ang mga benepisyo at pribilehiyo gaya ng 20 percent na diskuwento sa mga restaurant at mall dahil marami ang wala namang pera para makapasok doon at sa mga sari-sari store lang sila nakabibili ng pagkain na hindi naman nagbibigay ng discount.
Sa panukala, ang pandagdag sa social pension ay isasama sa taunang pondo ng DSWD.
Rerepasuhin ito ng DSWD at ng Department of Budget and Management (DBM) kada dalawang taon para maradagan batay sa halaga ng piso at presyo ng mga bilihin.
Meanne Corvera