SOJ Guevarra: Sapat ang kakayanan ng PNP para labanan ang kriminalidad
Kung si Justice Sec. Menardo Guevarra ang tatanungin, sapat na ang kakayanan ng Pambansang Pulisya para labanan ang kriminalidad sa bansa.
Ito ay sa harap ng mungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang civilian volunteers ng PNP.
Sinabi ni Guevarra na malaya naman ang mga sibilyan na armasan ang kanilang sarili para sa kanilang proteksyon basta ang mga ito ay nakatugon sa mga umiiral na batas at regulasyon sa pagkakaroon at pagdadala ng baril sa labas ng tahanan.
Gayunman, ibang bagay na aniya na payagan ang mga sibilyan na may armas na magsama-sama at umakto bilang vigilante group.
Ayon sa kalihim, sapat na ang lakas ng PNP para magampanan ang tungkulin nito na sugpuin ang krimen.
Paliwanag pa ni Guevarra, maliban sa ilang high-profile na insidente ng karahasan ay nasa all-time low ngayon ang kriminalidad sa bansa dahil na rin sa pandemya.
Sa oath taking ng National Coalition of Lingkod Bayan Advocacy Support Groups and Force Multipliers noong June 25, ipinanukala ng pangulo na armasan ang mga civilian groups ng PNP para maidepensa ang kanilang sarili kapag magsasagawa ng citizen’s arrest.
Suportado at ipinagtanggol ni PNP Chief Guillermo Eleazar ang panukala dahil kung ang mga ordinaryong sibilyan ay pinapayagan na magbitbit ng armas ay walang rason para hindi magkaroon ng parehong pribilehiyo ang civilian volunteer groups.
Ipinunto pa ni Eleazar na ang suhestyon ng presidente ay para sa proteksyon ng kanilang volunteers.
Titiyakin din aniya na sasailalim ang mga sibilyan sa mga regulasyon sa gun ownership.
Moira Encina