SOJ Remulla binalewala ang patutsada sa kaniya ni VP Sara Duterte
Binalewala ni Justice Secretary Crispin Remulla ang banat sa kaniya ni Vice- President Sara Duterte na wala itong alam sa batas.
Kaugnay ito sa pahayag ni Remulla na pinag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang legal consequences ng sinabi ni VP Sara na ipapahukay at ipapatapon sa West Philippine Sea ang labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sinabi ni Remulla na pangkaraniwan at bahagi ng kaniyang trabaho na batikusin siya nang personal.
Pero iginiit ni Remulla na nakakabahala at nakakagulat ang mga pahayag ng bise-presidente at dapat na seryosohin lalo na’t mula ito sa nasa ikalawang pinakamataas na posisyon.
Nanindigan pa si Remulla na patuloy na pag-aaralan ng DOJ ang posibleng krimen o nalabag sa pahayag ng pangalawang-pangulo.
Una nang idinipensa ni VP Sara ang nasabing pahayag niya ukol sa dating presidente at sinabing hindi ito krimen.
Moira Encina – Cruz