SOJ Remulla nag-inspeksiyon sa New Bilibid Prisons
Bumisita sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City si Justice Secretary Crispin Remulla.
Partikular na ininspeksiyon ng kalihim ang Maximum Security Compound kung saan nakapiit ang mga heinous crimes convicts.
Nakipagpulong din si Remulla kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag at iba pang matataas na opisyal ng BuCor.
Tinalakay sa pulong ang mga programa at serbisyo ng kawanihan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Remulla na maaaring oras na para ilipat sa ibang lugar ang Maximum Security Camp ng Bilibid.
Sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro nais ni Remulla na ilipat ang Maximum Security Prison.
Kinumpirma ng kalihim na bumisita siya sa Sablayan kamakailan.
Sa tingin ni Remulla, ang laki at lawak ng lupa at lokasyon ng nasabing penal farm ay akma para doon ilagay ang MaxSeCom mula sa Muntinlupa City.
Tinatayang 10,000 inmates mula sa Bilibid ang maaaring i-accomodate sa Sablayan.
Isa naman sa mga utos ni Remulla kay Bantag ay malimitahan o tuluyang wala nang anumang telepono o linya ng komunikasyon sa piitan.
Malakas ang loob ng kalihim na kaya niyang maipatupad ang mga kinakailangang reporma sa justice system.
Hiningi rin ni Remulla ang suporta ng mga taga-BuCor para maisaayos ang corrections system ng bansa.
Ayon pa sa kalihim, mapapadalas ang bisita niya sa BuCor dahil sa dami ng nais niya na gawing pagsasaayos doon.
Siniguro naman ni BuCor Chief Bantag na susunod sila sa lahat ng direktiba ni Remulla.
Moira Encina