SOJ Remulla nakipag-ugnayan na sa Chinese Embassy kaugnay sa deportasyon ng illegal POGO workers
Sinimulan nang makipag-usap ng Department of Justice (DOJ) sa Embahada ng Tsina para umusad na ang deportasyon ng Chinese illegal POGO workers sa bansa.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, nakausap na niya sa pamamagitan ng text messages si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ukol sa isyu.
Sa Huwebes nakatakda naman na makipag-pulong si Remulla sa iba pang mga opisyal ng Chinese Embassy para pagusapan ang mga procedure sa maayos na deportasyon ng Chinese POGO workers.
Nagbigay naman aniya ng katiyakan ang Chinese envoy na tutulong ang Tsina para matiyak ang smooth deportation procedures.
Sa budget hearing ng Senado sa panukalang pondo ng DOJ, sinabi ni Remulla na ang problema sa pagdeport ng mga nasabing dayuhan ay ang mga requirement ng China partikular ang kinakailangan na Covid testing.
Sa pagtaya ni Remulla, nasa 40,000 Chinese POGO workers ang iligal na naninirahan sa bansa.
Ang figures ay batay sa listahan na natanggap ng kalihim mula s PAGCOR kung saan 216 ang bilang ng iligal na POGO sa bansa.
Ayon kay Remulla, tinatayang nasa 200 ang empleyado ng mga nasabing kumpanya.
Aminado ang kalihim na hindi magiging madali sa Pilipinas ang pagpapadeport sa Tsina ng nasabing maraming bilang ng dayuhan.
Aniya, hindi handa ang bansa pagdating sa kinakailangan na logistics para maisakatuparan ang deportation plan.
Ito ang rason aniya kaya kakausapin mismo ni Remulla ang Chinese officials para plantsahin ang detalye ng deportasyon.
Moira Encina