SOJ Remulla: NBI at PNP nagsanib-puwersa para imbestigahan ang posibleng murder case sa pagkamatay ni Jun Villamor
Posibleng murder case ang pagkamatay ng sinasabing middleman sa Percy Lapid killing na si Jun Villamor.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, nagsanib-puwersa nitong Huwebes ang NBI at PNP para imbestigahan ang anggulong murder sa pagpanaw ni Villamor na inmate sa Bilibid.
Ito ay para mas maging mabilis at maayos ang imbestigasyon at maiwasan ang anumang conflict.
Nagpasya aniya sila na silipin na rin ang posibilidad ng murder bunsod ng “dying declaration” sa chat ni Villamor sa kapatid nito.
Naniniwala pa ang kalihim na hindi coincidence na namatay si Villamor at ang chat message nito sa kapatid na nagsasabing siya ay maaaring patayin.
Sa otopsiya ng NBI sa bangkay ni Villamor, sinabi na walang external physical injury sa katawan nito pero may nakitang heart hemorrhage.
Dinala sa ospital sa Bilibid noong October 18 si Villamor matapos mawalan ng malay pero pumanaw rin sa parehong araw.
Samantala, kinumpirma ng kalihim na kinuhananan na ng NBI ng testimonya ang apat na persons of interest sa kaso.
Ang apat ay kabilang sa walong persons of interest na nasa kustodiya ng mga otoridad.
Personal na nagtungo ang kalihim sa NBI para makita ang pagtatanong at pagkuha sa salaysay ng apat na PDLs.
Tiniyak ni Remulla na may abogado ang apat na kasama sa pagkuha ng kanilang testimonya upang ito maging valid at alam nila ang nangyayari.
Moira Encina