SOJ Remulla tinawag na insulto sa Pilipinas ang ICC drug war probe
Hindi Ikinatuwa ni Justice Secretary Crispin Remulla ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) Chamber na ituloy ang drug war probe na panghihimasok umano sa soberenya ng bansa.
Sinabi ni Remulla na iniinsulto ng ICC ang Pilipinas sa pagpayag nito na muling buksan ang imbestigasyon sa drug war killings.
Ayon sa kalihim, hindi niya iwi-welcome sa bansa ang mga imbestigador mula sa ICC kung ipipilit ng mga ito ang imbestigasyon sa drug war killings.
Bukas aniya ang gobyerno ng Pilipinas na makipagdayalogo sa ICC pero hindi nila susundin ang mga ipinipilit nito.
Tiniyak ni Remulla na isinasaayos ng pamahalaan ang sistema at kasalukuyang pinalalakas ang kapasidad ng law enforcers at iba pang otoridad na nagiimbestiga sa mga nasabing krimen.
Iginiit ng kalihim na gumagana ang gobyerno at ang judicial system ng bansa kaya wala siyang nakikitang papel para sa ICC maliban kung iti-take over nito ang bansa.
Hindi inaalis ni Remulla ang posibilidad na politika ang dahilan ng pagpilit ng ICC sa drug war probe lalo na’t hindi na miyembro dito ang Pilipinas.
Ipinauubaya naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) ang mga kaukulang aksyon sa legal at procedure issues sa isyu sa ICC.
Pero tiniyak ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza na kung kinakailangan ay handa ang kagawaran na magkaroon ng representasyon sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa The Hague, Netherlands.
Moira Encina