Solar energy systems, portable water purifiers at bigas, ipinagkaloob ng Israeli diplomats sa mga typhoon victims
Personal na inabot ng mga opisyal ng Israel Embassy sa bansa ang mga donasyon nito sa mga residenteng naapektuhan ng bagyo.
Kabilang sa ipinagkaloob ni Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss ang apat na solar energy systems, food packs, at hygiene kits sa Cebu.
Nagbigay din ang Israel Chamber of Commerce ng saku-sakong bigas sa Talisay, Cebu.
Nag-turnover naman si Deputy Chief of Mission Nir Balzam sa Bohol ng isang unit ng NUF portable water purifier, apat na solar energy systems, food packs, at hygiene kits.
Ayon kay Ambassador Fluss, ikinalulungkot ng Israel ang pinsalang idinulot ng bagyo sa Pilipinas at nakikiramay sila sa mga pamilya ng mga nasawi.
Tiniyak ng diplomat na handa ang Israel na umalalay palagi sa Pilipinas.
Aniya ang mga solar panels ay magiging kapaki-pakinabang sa mga lugar na wala pang kuryente.
Ready to use at low maintenance aniya ang mga nasabing solar panels.
Makatutulong din aniya ang portable water purifier para magkaroon ng access sa malinis na tubig ang mga residente.
Umaasa ang Israeli diplomats na makarekober sa lalong madaling panahon ang Cebu at Bohol na madalas puntahan ng Israeli tourists.
Tinatayang 2,000 pamilya ang tumanggap ng mga food packs at hygiene kits.
Magbibigay din ang Israel Embassy ng isang unit ng NUF portable water purifier, apat na solar energy systems, food packs, at hygiene kits sa Siargao.
Moira Encina