Solar Power ginagamit na sa 9 na Eskwelahan sa Makati
Nagsimula nang gumamit ng solar panel ang 9 na pampublikong eskwelahan sa Makati sa layong magkaroon ng sustainable at renewable energy.
Binigyang diin ni Makati Mayor Abigail Binay ang halaga na maipalaganap ang kaalaman tungkol sa sustainability at pagpapataas ng kamalayan tungkol sa epekto ng climate change .
Sinabi ni binay, ang paglalagay ng mga solar panel sa mga paaralan ay isang hakbang para isakatuparan ang layuning maitaguyod Makati bilang sustainable at resilient city.
Layon ng proyekto na bawasan ang konsumo ng enerhiya at budget sa mga paaralan sa pamamagitan ng paggamit ng solar panels.
Sa pamamagitan ng pag-install ng mga solar panel, makakagawa ang mga paaralan ng sarili nilang kuryente at mababawasan ang pag-depende sa tradisyonal na pinagmumulan ng kuryente.
Dagdag pa rito, mababawasan ang kanilang carbon footprint.
Sakop ng proyekto ang lahat ng 25 public elementary at high schools sa lungsod para sa transition sa paggamit ng solar energy.
Kabilang sa siyam paaralang nagsimula nang gumamit ng solar panels para mag-generate ng kuryente ang Makati High School, East Rembo Elementary School, Makati Elementary School, Pembo Elementary School, San Antonio Village Elementary School, Nicanor Garcia Elementary School, Tibagan High School, at Rizal Elementary School.
Ongoing naman ang pagkakabit ng mga solar panel sa Fort Bonifacio High School, Guadalupe Viejo Elementary School, Gen. Pio del Pilar National High School, Bangkal Elementary School-Main, Benigno “Ninoy” S. Aquino High School at Pitogo Elementary School.
Isusunod naman ang sampu pang public schools sa lungsod.
Binigyang-diin ng alkalde na ang solar panel project ng lungsod ay isang mabuting halimbawa para sa mga lokal na pamahalaan upang itaguyod ang paggamit ng sustainable energy.
Aniya, isa itong makabuluhang hakbang tungo sa isang mas sustainable future at makakahikayat sa iba pang mga lungsod at komunidad na sumunod at tularan ito.
Genycil