SolGen kinwestyon sa mga naging hakbang sa inihaing apela sa ICC
Kinwestyon ni Atty. Harry Roque ang mga naging hakbang ni Solicitor General Menardo Guevarra sa isyu ng nabasurang apela ng Pilipinas sa Appeal’s Chamber ng International Criminal Court (ICC).
Si Roque na isang international lawyer ay ang nag-i-isang Pilipino na na-aprubahan na makapasok sa List of Counsels ng ICC.
Sa panayam ng programang Ano Sa Palagay Nyo? (ASPN) sa NET25, sinabi ni Roque na naging inconsistent si Guevarra sa kaniyang mga hakbang dahil itinuloy pa rin ang apela kahit pa sinasabi nitong walang hurisdiksyon ang ICC sa isyu at ginawa pa rin ang hakbang gayong duda naman pala ito kung maipapanalo ang kaso.
Isa pa sa kinwestyon ni Roque ang pag-upa ni Guevarra ng dayuhang abugado para mag-representa sa bansa sa ICC gayong hindi naman ang estado ang isinasakdal.
“Ito pa ang masakit gumastos pa sya ng kaban ng bayan para kumuha ng dayuhang abugado, dayuhang abugado ng Pilipinas na hindi naman nasasakdal ang Pilipinas, bakit gagastos pa sa isang apela na alam naman pala niyang posibleng hindi mapagbigyan,” pagdidiin ni Roque
“Sinasabi ng iba ay naku sour raping lang yang si Harry, siguro nga po ano, pero ang tingin ko, legal na isyu yung nilalabas ko, bakit ba naniniwala ang SolGen na kapag dayuhan ang magre-represent sa Pilipinas ay may pag-asa at pag Pilipino, walang pag-asa,” himutok pa niya.
Dagdag pa ni Roque, wala pang malinaw na kinakasuhan sa isyu ng crime against humanity dahil nasa estado pa lamang ng imbestigasyon ang ICC prosecutors.
Sa ngayon ay wala pa aniyang dahilan para hindi mag-byahe sa mga bansang miyembro ng ICC sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na siyang hepe ng Philippine National Police (PNP) noong panahong isinagawa ang drug war campaign.
“Wala pa naman po, kasi hindi pa sila napapangalanan bilang mga indibidwal na in-imbistigahan ng prosecutor, sitwasyon pa lang po ang pinag-a-aralan ng drug war ang pinag-a-aralan ng ICC prosecutor, tingin ko po matagal pa ang panahon para magkaroon ng arrest warrants, duda ko nga kung magkakaroon ng arrest warrants dahil anong ebidensya ang gagamitin nila, puro one sided lamang.”
“Pero ganun pa man, pag sila po ay ma-isyuhan ng warrant doon po dapat huwag pumunta sa mga bansa na kabahagi ng ICC kasi may obligasyon ang mga bansa na kabahagi ng ICC na arestuhin sila kung may arrest warrant,” paliwanag pa ni Roque.
Inilarawan ni Roque na inutile ang desisyon ng ICC dahil wala naman itong police power at aasa lamang sa mga bansa para sa enforcement ng kanilang desisyon
Inihalimbawa pa nito ang arrest warrant na inisyu ng ICC laban kay Russian President Vladimir Putin na hanggang ngayon ay hindi maipatupad.
“Ganyan po kasi ang problema ng ICC, wala siyang ngipin, wala siyang pulis na mag-e-enforce ng warrant of arrest at nakasalalay sa kooperasyon ng mga estado ang service ng warrant of arrest na kung hindi maaresto ang isang akusado, hindi magkakaroon ng hurisdiksyon ang hukuman hindi uusad ang kaso,” dagdag na paliwanag pa ng abugado.
Sinabi naman ni Roque na nag-commit na siya kina dating Pangulong Duterte at Senador dela Rosa na umaktong abugado nila sa ICC sa sandaling kailanganin na ang kaniyang serbisyo.
Weng dela Fuente