Solidarity Trial ng WHO sa bansa, hindi pa rin nasisimulan
Hindi pa rin nasisimulan hanggang ngayon ang Solidarity Trial ng World Health Organization (WHO) dito sa bansa.
Ang solidarity trial ay isang international clinical trial na pinangungunahan ng WHO at nilahukan ng maraming bansa kabilang ang Pilipinas.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, hanggang ngayon ay wala pa ring ibinibigay na protocol sa kanila ang WHO para sa gagawing trial.
Ang trial ay dapat na sisimulan noon pang nakaraang taon pero naantala hanggang ngayong buwan.
Una rito, sinabi ng DOH na 15 libong participants ang kanilang kailangang makumpleto para sa trial na ito.
Pero dahil mahirap itong maabot lalo na at hindi naman na gaanong mataas ang Covid-19 infections sa bansa, sinabi ng DOH na kahit hindi nila makumpleto ang target participants ay sisimulan ang trial basta magbigay na ng Go signal ang WHO.
Ayon kay Undersecretary Rowena Guevarra ng Department of Science ang Technology (DOST), posibleng abutin ng isa at kalahating taon ang kabuuang cycle ng pag-aaral sa trial na ito.
Sa ngayon ay hindi pa rin nila batid kung ano ang gagamiting bakuna para sa trial.
Madz Moratillo