Solo parents, makakatanggap ng dagdag benepisyo
Makakatanggap na ng dagdag ng benepisyo ang mga solo parents.
Ito’y kapag nilagdaan na ng pangulo at naging batas ang Expanded Solo Parents Welfare Act.
Niratipikahan na kagabi ng senado ang panukala na magkakaloob karagdagang benepisyo para sa mga solo parents at kanilang mga anak.
Sinabi ni Senador Risa Hontiveros na nagsulong ng panukala kabilang sa matatanggap ng solo parents ang buwanang cash subsidy na 1000 ; 10% na diskwento sa mga gamot para sa mga may mga anak na 6 taong gulang pababa, at automatic na magiging miyembro ng PhilHealth.
Mabibigyan rin sila ng educational scholarship programs mula sa DepEd, CHED, at TESDA.
Pinalawak din ng panukalang batas ang kahulugan ng solo parent, kung saan kasama na ang asawa o sinumang miyembro ng pamilya ng isang OFW na nagsisilbing tagapag-alaga ng bata o mga anak .
Pero kailangang ang OFW ay kabilang sa low/semi-skilled worker at hindi nakauwi sa Pilipinas ng 12 buwan.
Maaari ring makinabang ang sinumang legal guardian, adoptive o foster parent, at solo grandparent na solong nangangalaga at sumusuporta sa isang bata o mga bata.
Meanne Corvera