South Africa, nakapagtala na ng higit isang milyong virus cases
JOHANNESBURG, South Africa (AFP) — Ang South Africa ang naging kauna-unahang bansa sa Africa, na nakapagtala ng isang milyong coronavirus cases, ayon sa bagong data na inilathala ng kanilang health ministry.
Kasalukuyang nakararanas ng second wave ng infections, kung saan karamihan nito ay ang bagong variant ng coronavirus, ang South Africa ang pinakagrabeng tinamaan sa African continent, na batay sa data ay nakapagtala na ng 1,004,413 infections at 26,735 naman ang namatay.
Nitong nakalipas na linggo, ang South Africa ay nakapagtala ng daily average ng 11,700 new infections, mas mataas ng 39 percent kaysa nakalipas na mga linggo.
Para sa tatlong sunod-sunod na araw, mula Miyerkoles hanggang Biyernes, ang arawang bilang ng bagong mga kaso ay 14,000, ngunit biglang bumaba nitong Sabado at Linggo..
Ikinukonsidera ng mga awtoridad ang muling pagpapatupad ng restrictions para mapigilan ang pagkalat ng virus, at maaaring sa linggong ito ay magsalita na sa publiko sa pamamagitan ng telebisyon si president Cyril Ramaphosa.
Ang Morocco naman ang pangalawang pinakagrabeng tinamaan sa mga bansa sa Africa, kung saan nakapagtala na ito ng 432,079 cases at 7,240 naman ang namatay, sinundan ito ng Egypt na may 131,315 cases at 7,352 fatalities, Tunisia na may 130,230 infections at 4,426 na ang namatay, at Ethiopia na may 122,413 cases at 1,901 fatalities.
Gayunman, ang Africa ay grabeng tinamaan ng coronavirus kumpara sa ibang rehiyon, gaya ng Europe na may mahigit sa 25 million infections, Estados Unidos na may 19.5 million, Latin America at Caribbean na may 15 million, Asya na may 13.7 million at Middle East na halos nasa apat na milyon na.
© Agence France-Presse