South African variant ng COVID-19 kayang i-bypass ang Pfizer/BioNTech vaccine
JERUSALEM (AFP) — Inihayag ng Israeli experts, na mas magaling ang South African coronavirus variant na lusutan ang depensa ng Pfizer/BioNTech vaccine, kaysa iba pang variant ng virus.
Gayunman, sinabi ng isa sa mga may-akda na bagamat ipinapakita sa pag-aaral na matagumpay na na-i-infect ng naturang virus kahit ang mga taong nabakunahan na, walang anong datos na magpapakita na ang mga ito ay nagkaroon ng malubhang sakit.
Sa pag-aaral na ginawa ng Tel Aviv University sa Clalit Health Services, ang pinakamalaking healthcare provider ng Israel, pinagkumpara ang 400 kataong hindi pa nabakunahan sa 400 partially o fully vaccinated individual na parehong infected ng South African virus.
Ayon sa pag-aaral na nalathala nitong Sabado bilang isang draft at kasakuluyan nang sumasailalim sa peer review, wala pang isang porsyento ng COVID-19 cases sa Israel ay South African variant.
Subalit sa kalipunan ng 150 kataong sangkot sa pag-aaral na fully vaccinated na at nagkaroon ng COVID-19, ang rate ng pagkalat ng South African variant ay walong ulit na mas mataas kaysa sa rate sa kalipunan ng mga hindi pa nabakunahan.
Nangangahulugan ayon sa pag-aaral, na ang Pfizer-BioNtech vaccine bagama’t highly protective, ay malamang na hindi makapagbigay ng kaparehong lebel ng proteksyon laban sa South African (B.1.351) variant ng coronavirus.
Sinabi ni professor Adi Stern ng Tel Aviv University Shmunis School of Biomedicine and Cancer Research na isa may-akda ng pag-aaral . . . “The South African variant is able, to some extent, to break through the vaccine’s protection. Since we found a very small number of vaccinees infected with B.1.351, it is statistically meaningless to report disease outcomes.”
Ayon kay Stern, hindi rin sinuri sa pag-aaral kung ang walo kataong kumpleto na ang bakuna nan a-infect ng South African variant ay naka-develop ng malubhang sakit.
Ang Israeli study ang unang “real-world assessment” ng kakayahan ng South African variant na i-bypass ang Pfizer/BioNTech vaccine.
© Agence France-Presse