SP Sotto at Senador Villar, nagtalo sa huling sesyon ng Senado
Nagkasagutan sa huling araw ng sesyon sina Senate President Vicente Sotto III at Senador Cynthia Villar.
Kinuwestyon kasi ni Villar ang umano’y special attention na ibinibigay ng Senate Leadership sa mga Senador na physically present sa Plenary hall.
Nag-ugat ito nang tanungin ni Senador Christopher “Bong” Go kung nabilang ba ang kaniyang boto para maratipikahan ang panukalang modernisasyon ng Bureau of Fire Protection.
Pero sagot ni Sotto hindi dahil bukod sa wala ito session hall hindi ito naka- online.
Tanong ni Villar kung hindi raw ba maaaring irekunsidera dahil nagkaroon ng problema sa internet si Go.
Pero sabi ni Sotto tapos na ang botohan at ikinukunsidera lang ang boto kung physically present.
Dito nagtaas ng boses si Villar at kuwestyon niya paano magiging physically present kung mga tulad niyang senior citizen bawal lumabas.
May pasaring pa siya kay Sotto.
Sen. Villar:
“Pag sinasabi mo palagi na dapat na nandito kayo, you should consider that we can’t get out. You know, kayo senior nakakalabas kayo e you take the risk of being questioned because, under the protocol, the seniors can’t go out of their homes.. How can we be there? We’re seniors. We’re not allowed to get out of our home. Maswerte ka na senior ka na, na nandyan ka pinapayagan ka pero kung malagay tayo sa diyaryo na mga senior tayo dahil senador tayo, lumalabas tayo sa bahay natin di ba pangit ding tingnan din yun”?
Depensa naman ni Sotto, wala siyang intensyong kwestyunin ang mga kapwa Senador na dumadalo sa pamamagitan ng online.
Pero sa kaso aniya ni Go hindi ito sumagot at hindi naka-online ng tawagin siya para sa nominal voting.
SP Sotto:
“You should listen to what I’m saying I was not pertaining to the seniors. As a matter of fact, Sen. Bong Go is not a senior so he should be here. I could not online your not presence kung offline ka wala ka internet mas mabuti nandito ka Sen Bong Go not senior. I take exception to what you’re saying. Baka akala mo pinaparingan ko kayo, hindi ko kayo pinaparingan. You don’t have to be here if you don’t want to. You’re seniors”.
Matapos ang mainit na sagutan sinuspinde ang sesyon.
Bago ang mainitang pagtatalo nina Sotto at Villar, nagkasagutan na rin sina Senate minority leader Franklin Drilon at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Naghain kasi ng mosyon si Dela Rosa para ratipikahan na ang bicam report ng BFP Modernization Bill.
Pero tumutol si Drilon dahil sa probisyong isiningit sa Bicam na nagpapahintulot na armasan ang mga bumbero.
Natalo sa botohan si Dela Rosa dahil 11 Senador lang ang bumoto pabor dito.
Majority vote o 12 boto ng Senador ang kailangan para makalusot ang Bicam report.
Hahabol sana si Go pero hindi na inirekunsidera ang kaniyang boto.
Nang magbalik ang sesyon agad namang nag-sorry si Villar.
Meanne Corvera