SP Sotto, handang tumanggap ng posisyon sa BBM Administration
Bukas si Senate President Vicente Sotto na tumanggap ng anumang posisyon sa gabinete ni President elect Bongbong Marcos.
Hindi pa masabi ni Sotto kung inalok siya ni PBBM pero naging mahaba aniya ang pakikipagpulong niya rito dalawang linggo na ang nakalilipas.
Kasama aniya sa natalakay niya sa susunod na pangulo ang naging findings ng Senate Committee of the whole sa kanilang isinagawang imbestigasyon sa isyu ng talamak na smuggling ng mga agricultural products na pumapatay sa kabuhayan ng mga magsasaka at usapin ng illegal drug trade.
Sinabi ni Sotto, magkaibigan naman sila ni President BBM at anim na taon niya itong nakasama sa Senado.
Pero ipauubaya niya na sa Pangulo kung bibigyan siya ng posisyon para makatulong sa susunod na administrasyon.
Sa ngayon abala si Sotto sa natitira pang mga trabaho sa Senado.
Sa pagtatapos ng termino ni Sotto sa June 30, plano ni Sotto na unahin ang pagtatayo ng kaniyang recording studio.
Si Sotto bago naging mambabatas ay isang dating music composer.
Pinag- aaralan niya rin daw na tanggapin ang alok para maging chairman sa isang korporasyon.
Meanne Corvera