Space cooperation ng Pilipinas at US , mas paiigtingin
Nagkasundo ang Pilipinas at U.S na mas palakasin ang space cooperation kasunod ng kauna-unahang bilateral Space Dialogue ng dalawang bansa sa Washington, D.C.
Sa joint statement ng Pilipinas at Amerika, sinabi na kabilang sa mga tinalakay ay ang pagpapalawig ng kooperasyon sa paggamit sa kalawakan para sa maritime domain awareness.
Isa sa mga ito ang SeaVision program ng U.S. Department of Transportation.
Makakatulong anila ang mga nasabing programa para mabantayan at maidokumento ang mga sasakyang pandagat sa mga teritoryo at exclusive economic zone ng Pilipinas, matiyak ang kaligtasan ng mga tripulante at mangingisda, makatulong sa pagprotekta sa kapaligiran at malabanan ang mga iligal na pangingisda.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs Spokesperson Ma. Teresita Daza na ang SeaVision ay web-based maritime situational awareness tool na ginagamit para makita at maibahagi ang iba’t ibang maritime information para mapagbuti ang maritime operations.
Gumagamit ang SeaVision ng satellite imagery, transponders at infrared para ma-track real time ang mga barko at nakapagbibigay sa historical information gaya ng vessel positions at mga detalye tulad ng owner, operator, at port visit history.
Moira Encina