Space X capsule na mag-uuwi sa mga astronaut na na-stuck sa kalawakan, nakarating na sa ISS
Nakarating na sa International Space Station (ISS) ang isang Space X Dragon space capsule, na mag-uuwi sa mga astronaut na sina Butch Wilmore at Suni Williams sa susunod na taon, ayon sa NASA at SpaceX.
Ang NASA astronaut na si Nick Hague at ang Roscosmos cosmonaut na si Aleksandr Gorbunov, ay sumakay sa ISS ilang sandali makaraang mag-dock ng Dragon capsule sa naturang space station.
Apat na astronauts dapat ang ihahatid ng SpaceX Crew-9 sa ISS, hanggang sa dalawang empty seats ang kinailangang buksan para kina Wilmore at Williams matapos na ang Boeing Starliner capsule na sinakyan nila noong Hunyo patungo sa ISS ay “unfit” na para sakyan nila pabalik sa Mundo.
Ang dalawang dating military test pilot ay na-stuck na sa ISS mula noon, matapos makaranas ng thruster failures at helium leaks ang Starliner capsule.
Nagpasya ang NASA na hindi na ligtas para sa mga astronaut na bumalik lulan ng Starliner, na pinabalik na sa Mundo nang walang sakay sa mga unang bahagi ng Setyembre.
Sina Wilmore at Williams, na unang tripulante na lumipad sa nadiskaril na Starliner, ay makakauwi na sa Pebrero ng susunod na taon kasama sina Hague at Gorbunov, dahil ang dapat na walong araw lamang na misyon ay naging walong buwan na.