Speaker Arroyo suportado ang anumang hakbang ni Pangulong Duterte sa Maritime incident sa Recto bank
Sa kabila ng mga batikos dahil sa posisyon ng Pangulong Duterte sa pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto Bank, nanindigan si House speaker Gloria Macapagal Arroyo na suportado niya anuman ang maging hakbang ng Pangulo.
Giit ni Arroyo, alam naman ng Pangulo ang ginagawa nito.
Naniniwala si Arroyo na kahit kinakaibigan ni Duterte ang China ay isinusulong pa rin nito ang interes ng bansa.
Noong siya ay Pangulo pa aniya ng bansa, sinabi ni Arroyo na madalas siyang bumisita sa China para paigtingin ang diplomatic relations sa Beijing.
Una ng nagsabi ang China na papabor ito sa joint investigation para magpalitan ng initial findings ang dalawang bansa at maresolba na ang isyu pero tinanggihan ito ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin.
Dapat aniya ay hiwalay na mag-iimbestiga ang bansa dahil walang pakialam ang Civilian agencies sa usapin at nasa hurisdiksyon ito ng National Security Departments, Defense at Foreign Affairs ng Pilipinas.
Ulat ni Madz Moratillo