Special audit sa programa para sa computerization ng DepEd hiniling ng Senado
Hiniling ng Senate Blue Ribbon Committee na magsagawa ang Commission on Audit ng isang Special Fraud Audit para masuri ang mga account at financial documents na may kinalaman sa overpricing ng mga biniling laptop ng DepEd sa pamamagitan ng PS-DBM noong 2021.
Kasama sa ipinabubusisi ng Senado ang computerization program ng DepEd sa ilalim ng nakaraang administrasyon .
Sa report ng Senate Blue Ribbon Committee, nais ng mga Senador na matukoy pa sa Special audit kung may mga kailangan pang managot sa isyu.
Inirerekomenda rin ng Senate panel na imbestigahan ng Anti Money Laundering Council ang pagsilip sa bank deposits ng mga opisyal ng gobyerno na inirekomendang makasuhan dahil sa katiwalian.
Bukod sa mga opisyal ng gobyerno, ipinasisilip sa Bureau of Internal Revenue sa pamamagitan ng tax fraud audit inquiry kung nagbayad ng tamang buwis ng kanilang kinita ang Joint Venture consortium partners na nagsuplay ng laptop sa DepEd.
Meanne Corvera