Special Concerned Lockdown sa ilang lugar sa QC, inalis na
Tuluyan na nang inalis ng Quezon City Government ang Special concerned lockdown (SCL) sa ilang lugar sa lungsod na dating isinailalim sa nabanggit na Quarantine measure.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, sa kauna-unahang pagkakataon mula nang ang magpatupad ng SCL noong Mayo upang mapigil ang pagkalat ng Covid- 19, ngayon, wala nang lugar sa lunsod ang nasa ilalim ng SCL.
Sinabi ng alkalde na ang mga lugar na huling isinailalim sa SCL ay ang Alleys 1 and 2 in Block 17, Barangay Bungad na inalis na noong Biyernes, November 6.
Inalis na rin ang SCL sa Iba Street sa Barangay Paang Bundok at tatlo pang lugar sa Zytec Riosa Compound sa Barangay Pasong Tamo.
Bagaman, isa itong magandang balita sa lunsod, muling nagpaalala naman si Belmonte sa kanyang mga nasasakupan na na hindi ito dahilan upang magpabaya at isantabi ang mga health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, paghugas ng kamay, at social distancing.
Samantala, sinabi ni Dr. Rolly Cruz, pinuno ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), na sa ngayon ay walang nakikitang posibleng local o community transmission sa mga lugar na kanilang binabantayan kaya hindi na kailangan ang SCL sa ngayon.
Ayon pa kay Cruz, ipinatupad nila ang SCL noong Mayo upang mapigil ang pagkalat ng virus sa may 20 areas sa limang Barangay.
Mula noong Mayo, 68 areas na may mahigit na labing isang pamilya ang isinailalim sa SCL.
Nakapagsagawa ang CESU ng mahigit na 9,000 Swab tests sa nabanggit na areas, 1, 230 naman ang nag positibo sa virus.
Sinabi ni Cruz na ang mga nagpositibo sa virus ay agad na dinala sa HOPE facilties upang malimitahan ang pagkalat ng Covid-19 sa komunidad.
Kaugnay nito, nananawagan ang City government sa mga Barangay officials na ipagpatuloy ang kanilang pakikipagkaisa sa paglaban sa Covid lalong lalo na ngayong nagsimula nang buksan ang mga establisimyento upang makabangon sa naging epekto ng Pandemya.
Belle Surara