Special elections sa 3rd district ng Negros Oriental, hindi na tuloy
Hindi na tuloy ang nakatakdang Special Elections sana sa ikatlong distrito ng Negros Oriental sa December 9.
Ito ang inanunsiyo ni Comelec Chairman George Garcia matapos silang makatanggap ng liham mula sa Kamara na humihiling na irekunsidera ng poll body ang pagsasagawa ng Special Elections.
Isang resolusiyon din ang ipinasa sa Kamara patungkol dito.
Ayon kay Garcia, batay na rin sa rekomendasiyon sa kanilang Law Department ay i-adapt ang nasabing House Resolution.
Nitong Lunes, sinimulan na ang paghahain ng kandidatura para sa Special Elections, kung saan kabilang sa mga naghain ng kandidatura sina Retired Colonel Rey Lopez, isang Lenin Alviola at dating Negros Oriental Governor Henry Pryde Teves.
Ayon kay Garcia, bukas sisimulan ng Comelec ang paglalabas ng notice para maipaalam sa mga ito na hindi na tuloy ang Special Elections.
Tiniyak naman ng Comelec na wala pa silang nagagastos para rito dahil hindi pa nasisimulan ang pag-imprenta ng mga balota.
Madelyn Villar – Moratillo