Special polls sa Shanghai itutuloy subali’t wala pang petsa – Comelec
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec), na itutuloy ang special elections sa Shanghai, financial center ng China, nguni’t wala pang binanggit na petsa dahil hinihintay pa nila na alisin ng mga awtoridad doon ang ipinatutupad na Covid-19 lockdown sa lugar.
Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, na mula sa 26 na electronically-generated certificates of canvass (COCs) galing sa overseas precincts, 25 na ang natanggap ng Comelec, maliban sa Hong Kong precinct na sumasaklaw sa Hong Kong, Macau at China.
Aniya . . . “Hong Kong and Macau are okay. The problem is mainland China because there is a lockdown in Shanghai, hindi po macomplete ng 100% kasi po wala po tayong election sa Shanghai (we didn’t have an election yet in Shanghai). They are still under strict lockdown,” at idinagdag na ang Commission en banc ay nag-iisip tungkol sa pagpapalabas ng isang order para sa mga COC ng Hong Kong at iba pang bahagi ng mainland China na dumating bago ang mga espesyal na botohan sa Shanghai.
Sa kabila ng sagwil, itutuloy ng komisyon ang special elections sa Shanghai.
Ayon kay Laudiangco . . . “Definitely, we will proceed with the Shanghai special elections, hindi po kaming magdisenfranchise ng voters. Karapatan nila iyan.”
Gayunman, hindi siya nagbigay ng tukoy na petsa dahil sa hinihintay pa nila na i-lift ng Shanghai ang kanilang lockdown. Sabi pa ni Laudiangco, umaasa silang pahihintulutan silang maisagawa ang eleksiyon sa lugar sa pamamagitan ng postal service.
Banggit ang datos ng Comelec, sinabi ni Laudiangco na mayroong 1,991 overseas voters na nakabase sa Shanghai.
Ang lockdown sa sentro ng pananalapi ng China, na sanhi ng pagtaas ng mga impeksyon sa COVID-19, ay nagsimula bilang isang phased scheme noong Marso 28.
Ang mga lokal na residente ay pinagbawalan na umalis sa kanilang mga tahanan at sumailalim pa sa mga round ng nucleic acid test para sa COVID-19. Hiniling din sa mga opisina at negosyo na suspindihin ang mga operasyon.
Nauna rito, inanunsiyo ng Comelec na magsasagawa ito ng special elecrions sa 14 na mga barangay sa tatlong munisipalidad sa Lanao del Sur, matapos ideklara doon ang failure of elections dahil sa mga insidente ng karahasan at mga isyu sa vote counting machines.
Sa ngayon ay nakapag-canvass na ang Comelec ng 121 COCs mula sa 173.