Special session ng Kongreso, ipinatawag ni Pangulong Duterte para mapagtibay ang 2021 National Budget
Naglabas na ng kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte para magpatawag ng special seasion ng Kongreso upang masigurong mapagtitibay ang 2021 National budget na nagkakahalaga ng 4.5 trilyong piso.
Sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 1027, isasagawa ang special session ng Kongreso sa October 13 hanggang October 16.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque napilitan si Pangulong Duterte na magpatawag ng special session dahil hindi sinunod ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang legislative calendar na dapat sana ay sa October 18 pa ang recess ng session subalit October 6 pa lamang ay sinuspinde na ni Speaker Alan Peter Cayetano ang session kaya nabitin sa second reading lamang ang panukalang Pambansang budget.
Ayon kay Roque, hindi papayag si Pangulong Duterte na magiging reenacted ang 2021 National budget dahil nakapaloob dito ang pondong gagamitin sa pagtugon ng pamahalaan sa Pandemya ng Covid-19.
Magugunitang umangal ang mga Senador sa ginawa ni Speaker Cayetano na maagang suspensyon ng session ng Kamara dahil kakapusin ng panahon ang Senado sa pagtalakay sa National budget.
Hinihinalang ang nakatakdang pagpapalit ng speakership sa October 14 sa ilalim ng term sharing agreement nina Cayetano at Marinduque Congressman Lord Allan Velasco ang dahilan ng maagang pagsuspendi sa session ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Vic Somintac