‘Spider-Man’ muling nanguna sa N.America box office
Muling dinomina ng “Spider-Man: No Way Home” ang North American theaters sa pamamagitan ng tinatayang $52.7 million kinita nitong weekend, habang nalampasan na rin nito ang $600 million mark sa kaniyang pangunguna sa loob ng tatlong sunod-sunod na linggo.
Ayon sa industry watcher na Exhibitor Relations, nitong nakalipas na linggo ay nalampasan ng Sony superhero sequel ang $1 billion mark sa buong mundo.
Samantala, muli ring pumangalawa ang Universal animated musical sequel na “Sing 2,” na kumita ng $19.6 million.
Kabilang sa voice cast ng “Sing 2” sina Matthew McConaughey, Reese Witherspoon, Scarlett Johansson at U2 frontman Bono.
Nasa ikatlong puwesto naman ang “The King’s Man” ng 20th Century na kumita ng $4.5 million. Ang prequel sa “Kingsman” spy films ay pinagbibidahan nina Ralph Fiennes, Gemma Arterton, Rhys Ifans at Matthew Goode.
Pang-apat ang “American Underdog” na kumita ng $4.1 million. Tampok sa Lionsgate film si Zachary Levi. Ang pelikula ay halaw sa tunay na kuwento ni Kurt Warner, na mula sa pagtatrabaho sa isang grocery store ay naging isang National Football League MVP.
Pang-lima sa puwesto ang sci-fi prequel “The Matrix: Resurrections,” mula sa Warner Bros., na kumita lang ng $3.8 million. Ayon sa Variety, “disastrous,” ang performance ngayon ng Matrix, kung ikukumpara sa $190 million production budget nito.
Narito naman ang iba pang pumasok sa top 10:
6. “West Side Story” ($2.1 million)
7. “Ghostbusters: Afterlife” ($1.4 million)
8. “Licorice Pizza” ($1.25 million)
9. “A Journal for Jordan” ($1.2 million)
10. “Encanto” ($1.1 million)