‘Spider-Man: No Way Home’ kumita ng nakamamanghang $253 million sa North American opening

Actors (L to R) Benedict Cumberbatch, Jacob Batalon, Zendaya and Tom Holland are seen at the Los Angeles premiere of Sony Pictures’ ‘Spider-Man: No Way Home’ on December 13, 2021 Amy Sussman GETTY IMAGES NORTH AMERICA/AFP/File

Ang bagong “Spider-Man: No Way Home” ng Sony at Marvel ay kumita ng tinatayang $253 million sa North American opening nitong weekend, kayat itinuturing na ito ang “third-biggest domestic opening of all time.”

Ayon sa BoxOfficeMojo website, ang kinita sa nasabing opening ay sumusunod sa “Avengers: Endgame” noong 2019 na kumita ng $357 million, at “Avengers: Infinity War” noong 2018 na kumita ng $258 million, pero madali lang nitong nalampasan ang mga naunang pagtaya na $130-150 million ang kikitain sa opening nito.

Sa ulat naman ng industry watcher na Exhibitor Relations nitong Linggo, ang bagong superhero blockbuster ay malapit na sa $600 milyon sa ibang bansa, habang ang mga sinehan ay patuloy na nagsisikap na makabalik mula sa ilang buwang pagkakasara dulot ng pandemya.

Ayon kay David A. Gross na siyang nagpapatakbo sa Franchise Entertainment Research . . . “This is an incredible opening. While most big series struggle to keep their momentum, ‘Spider-Man’ is exploding.”

Kung pagkukumparahin, ang nangungunang pelikula noong nakaraang linggo, ang matagal nang pinakahihintay na remake ni Steven Spielberg ng “West Side Story,” ay kumita lamang ng $10.5 million sa opening nito.

Ang “No Way Home” ang ikatlong solo starrer ng British actor na si Tom Holland, habang nasa supporting role naman sina Benedict Cumberbatch, Zendaya at Jacob Batalon.

Ang original “Spider-Man” film naman na pinagbidahan ni Tobey Maguire noong 2002, ang unang pelikula sa cinematic history na kumita ng higit $100 million sa unang linggo ng pagpapalabas nito.

Malayo naman ang distansya ng mga iba pang nangungunang mga pelikula na kinabibilangan ng “Encanto” ng Disney, isang animated fantasy with music ni Lin-Manuel Miranda, na nasa ikalawang puwesto na kumita ng $6.3 million.

Nasa ikatlong puwesto ang “West Side Story” ng 20th Century Fox na pinagbibidahan nina Ansel Elgort at Rachel Zegler na kumita lamang ng $3.4 million.

Pang-apat ang “Ghostbusters: Afterlife” ng Sony, ang pinakahuling chapter sa supernatural franchise, na kumita rin ng $3.4 million, habang pang-lima ang bagong crime thriller ng Searchlight na “Nightmare Alley.” Sa kabila ng strong reviews, ang pelikulang ito ni Guillermo del Torro ay kumita lamang ng $3 million.

Narito naman ang mga pelikulang nasa pang-anim hanggang pang-sampung puwesto.

6. “House of Gucci” ($1.9 million)

7. “Eternals” ($1.2 million)

8. “Clifford the Big Red Dog” ($400,000)

9. “Resident Evil: Welcome to Raccoon City” ($280,000)

10. “Dune” ($240,000)

(AFP)

Please follow and like us: