SPO3 Lascanas nagsumite na ng affidavit sa Senado, napilitang magsinungaling dahil may panganib sa buhay ng kaniyang pamilya
Napilitan si retired SPO3 Arturo Lascañas na magsinungaling sa kaniyang naunang testimonya sa Senado sa pangambang mapatay siya at ang mga miyembro ng kanyang pamilya.
Ito ang ibinunyag ni Lascanas sa kaniyang labindalawang pahinang affidavit na isinumite sa tanggapan ni Senador Panfilo Lacson.
Itinanggi niya ang mga alegasyon ni Edgar Matobato kaugnay ng mga kaso ng extra judicial killings na kinasasangkutan ng Davao Death Squad noong October 2016 nang humarap siya sa Senado dahil nasa balag ng alanganin ang buhay ng kaniyang pamilya na nasa Davao City.
“I was forced to deny what Matobato said, even if most of it was true, because I was afraid for the safety and security of my loved ones in Davao City, the truth is that most of what matobato told the senate is true”. – Lascanas
Ayon kay Lascañas totoo ang lahat ng sinabi ni Matobato at limitado pa ang mga ibinunyag nito dahil isa lamang jtong utusan at ang kanilang operasyon ay compartmentalized.
Inamin ni Lascanas na ang isa siya sa mga major player o pumapatay sa mga hinihinalang kriminal at drug addict batay sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Isa rin siya sa mga pinagtitiwalaan ni Duterte at nabigyan ng utos na pumatay at pinagsisisihan niya kung bakit ngayon lang nagsalita.
Dahil sa affidavit ni Lascanas, inaasahan na magtatakda na ng hearing ang Senate Committee on Public Order na pinamumunuan ni Lacson.
Ulat ni: Mean Corvera