Sputnik V virus vaccine 92% effective – Russia
Nobenta’y dos porsyentong epektibo ang Sputnik V coronavirus vaccine ng Russia, batay sa inisyal na test results.
Sa isang statement ng Russian health ministry, ng state-run Gamaleya research center at ng Russian Direct Investment Fund (RDIF), ang kalkulasyon ay batay sa mga resulta mula sa 16,000 mga indibidwal na binigyan ng bakuna.
Ayon sa pahayag, ang Sputnik V vaccine ay may efficacy rate na 92 percent pagkatapos ng second dose.
Ang adenovirus vector-based vaccine ay gumamit ng modified viruses ng regular flu.
Nakasaad sa pahayag, na ilan sa mga binakunahan ay nakaranas ng sakit sa lugar kung saan itinurok ang bakuna, flu-like syndrome gaya ng lagnat, panghihina, fatigue at sakit ng ulo.
Noong Agosto, ang Russia ang unang bansa na nagparehistro ng isang bakuna sa coronavirus, ngunit ginawa ito nang mas maaga sa large-scale clinical trials na nagpapatuloy pa rin.
Apatnapung libong volunteers sa 29 medical centres ang kalahok sa third at final phase ng Sputnik V trials.
Nitong Setyembre, ang vaccine ay magkakahiwalay na ibinigay sa medics at iba pang “at-risk people” na nagtatrabaho sa Russian hospitals, at nagpakita ito ng efficacy rate na “over 90 percent.”
Ayon naman sa Regional authorities sa Altai region ng Siberia, hindi bababa sa tatlong medics mula sa 42 na binigyan ng bakuna, ang kinapitan ng virus.
Nakasaad din sa statement, na ang interim research data ay ilalathala sa isa sa world’s “leading peer-reviewed medical academic journals.”
Magpapatuloy naman ang obserbasyon sa trial participants sa loob ng anim na buwan, pagkatapos ay ipiprisinta na ang full clinical trial report.
Ayon pa sa statement, ang RDIF na siyang nagpopondo sa development ng Sputnik V, ay magbibigay ng research data sa mga bansang interesadong bumili ng Russian vaccine.
Samantala, may mga isinasagawa ring overseas trials sa UAE, Venezuela, Belarus at iba pang mga bansa.
Ang anunsyo ng interim result ng Sputnik V ay ginawa ilang araw, matapos ilabas ng Western vaccine developers na Pfizer at BioNTech na ang kanilang vaccine ay higit 90 percent effective.
© Agence France-Presse