‘Squid Game’ stars Lee Jung-jae at Jung Ho-yeon, wagi sa SAG Awards bilang best actor at best actress
Nagsagawa nang muli ng isang in-person event nitong Linggo ang Screen Actors’ Guild (SAG) awards, sa Santa Monica na nasa labas lamang ng Los Angeles.
Matatandaan na ang SAG ay idinaos online noong isang taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Hindi naman binigo ng mga bituin ang unang malaking red carpet event ng award season ng Hollywood, kasama si Cate Blanchett na napakaganda sa suot na low-cut black Armani gown, at Chastain suot ang kumikinang na Dior suit.
Si Helen Mirren na abot hanggang sahig ang haba ng suot na pink Dolce & Gabbana gown, ay pinarangalan sa SAG ng lifetime achievement award.
Ayon kay Mirren . . . “Thank you S-A-G. I hate to say the word ‘sag’ at my age.”
Ang taunang “In Memoriam” montage naman ay bilang pagkilala sa mga artistang pumanaw na sa mga nakalipas na taon, gaya nina Sidney Poitier, Jean-Paul Belmondo, Ned Beatty at Betty White.
Sa television categories, ang “Squid Game” actors na sina Lee Jung-jae at Jung Ho-yeon ay kapwa nagulat nang manalo ng best actor at actress para sa drama.
Ang dalawang South Korean actor ay gumamit ng translator, bago nagsalita si Jung ng broken English, na pinasasalamatan ang Hollywood group para sa aniya’y “pagbubukas ng pinto para sa kaniya.”
Ang “Succession” ang nakakuha sa best drama ensemble prize, kasama ang star na si Brian Cox, na isa sa maraming pumuri kay Ukrainian president at dating aktor na si Volodymyr Zelensky.
Si Cox ay binigyan ng isang standing ovation para sa kaniyang kahanga-hangang comic performance.
Si Michael Keaton, na nanalo bilang best actor in a limited series para sa “Dopesick,” ay pumuri rin sa kapwa niya aktor na si Zelensky na anya’y nararapat bigyan ng pagkilala para sa pakikipaglaban nito.
Si Keaton ay napaluha habang iniaalay ang kaniyang panalo sa pamangking si Michael, isa sa higit sa kalahating milyong Amerikanong namatay dahil sa overdose sa krisis sa opioid, na siyang paksa ng “Dopesick.”
Natapos ang isang napakagandang gabi para sa Apple TV+, na isang medyo bagong streamer, nang manalo ito ng best comedy series prizes para sa “Ted Lasso” at sa bituin nito na si Jason Sudeikis.