Sri Lanka, nagdeklara ng food emergency dahil sa paglala ng forex crisis
COLOMBO, Sri Lanka (AFP) – Nagdeklara na ang Sri Lanka ng isang state of emergency kaugnay ng kakulangan sa pagkain, sanhi ng pagkaubos ng foreign exchange ng mga pribadong bangko para pondohan ang imports.
Sinabi ni President Gotabaya Rajapaksa, na ipinag-utos niya ang emergency regulations para mapigilan ang hoarding ng asukal, bigas at iba pang mahahalagang pagkain.
Itinalaga ni Rajapaksa ang isang mataas na opisyal ng army bilang Commissioner General ng Essential Services para pamahalaan ang suplay ng bigas, asukal at iba pang consumer goods.
Ang hakbang ay kasunod ng lubhang pagtaas sa halaga ng asukal, bigas, sibuyas at patatas, habang mahaba naman ang pila sa mga tindahan dahil sa kakulangan ng milk powder, kerosene oil at cooking gas.
Tinaasan din ng gobyerno ang multa para sa food hoarding, ngunit ang kakulangan ay naranasan habang nakikipaglaban ang bansang may 21 milyong populasyon sa coronavirus wave, na ikinasasawi ng 200 katao bawat araw.
Ang ekonomiya ng Sri Lanka ay bumagsak ng 3.6% noong 2020 dahil sa pandemya, at noong Marso ng nakalipas na taon ay nagpatupad ng ban ang gobyerno sa importasyon ng mga sasakyan at iba pang items na kinabibilangan ng edible oils at turmeric, na isang mahalagang sangkap sa mga katutubong lutuin, sa pagtatangkang maisalba ang foreign exchange.
Sa nakalipas na 2 linggo, dinagdagan ng Central Bank ng Sri Lanka ang interest rate sa pagtatangkang mapataas ang local currency.
Ang foreign reserve ng Sri Lanka ay bumagsak ng $2.8 billion sa pagtatapos ng July, mula $7.5 billion noong November 2019 nang magsimula ang kasalukuyang gobyerno, at ang rupee ay nalugi ng higit 20% ng halaga nito kontra US dollar, ayon na rin sa data ng bangko.
Nakiusap naman sa mga motorista si energy minister Udaya Gammanpila, na magtipid sa pagkonsumo ng fuel upang magamit ng bansa ang foreign exchange sa pagbili ng mahahalagang gamot at bakuna.
Una nang nagbabala ang isang presidential aide, na posibleng magpatupad ng fuel rationing sa pagtatapos ng 2021, maliban na lamang kung babawasan ang pagkonsumo nito.
Agence France-Presse